Magnanakaw nakorner sa bubong ng bahay, ninenok na P1.3M alahas, nabawi
- Published on October 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
KALABOSO ang 21-anyos na kawatan nang magising ang may-ari ng malaking bahay na kanyang pinasok at pinagnakawan sa Valenzuela City.
Hindi na nakapalag ang suspek na si alyas Buboy nang masukol ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento sa bubong ng bahay ng 65-anyos na lolong biktima sa Brgy., Canumay West.
Dakong alas-11 ng gabi nang makita ng biktima ang suspek na kinukuha ang mamahalin niyang mga alahas sa loob ng walk-in closet na nasa tabi lang ng kanyang silid matapos siyang magising sa ingay na nilikha ng pagbubukas ng door-knob.
Sa pangamba sa kanyang buhay, hindi ginambala ng biktima ang suspek at sa halip ay tinawagan ang anak sa kabilang bahay sa loob ng compound na kaagad nakahingi ng tulong sa nagpapatrulyang tauhan ni Col. Talento.
Nang matunugan ng suspek ang pagdating ng mga pulis, tinangka niyang tumakas paakyat sa ika-apat na palapag ng bahay at lumabas sa bukas na sliding window na kanyang pinasukan bago umakyat sa bubong kung saan tuluyan siyang nadakip.
Nasamsam sa suspek ang isang walang serial number na kalibre .22 magnum revolver na kargado ng bala habang nabawi sa loob ng kanyang sling bag ang Rolex watch na nagkakahalaga ng P400,000, Charriol watch na P100,000 ang halaga at P800,000.00 halaga ng assorted na alahas na pag-aari ng biktima.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mabilis na pagkakadakip sa suspek na residente ng Marilao, Bulacan na mahaharap sa reklamong Robbery with Force Upon Things at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. (Richard Mesa)