• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, pinuri at pinasalamatan ng mga magulang at guro sa pagbisita sa paaralan sa Santiago City, Isabela

PINASALAMATAN ng School Parent-Teacher Association (SPTA) ng Santiago City si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa Patul Elementary School sa Santiago City, Isabela nitong Biyernes.

Ayon kay Jimmy Vic Elardo, SPTA federation president, malaking bagay ang pagbisita ng Pangulo dahil ipinapakita nito ang suporta ng pamahalaan sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

“Una ay nagpapasalamat tayo ng napakarami sapagkat bibihira yung mapuntahan ng ating mahal na Pangulo … para lamang suportahan ang ating adbokasiya na maging ligtas ang lahat ng paaralan,” ani Elardo.

Sinabi ni Elardo na tinalakay sa pagbisita nina Pangulong Marcos at Education Secretary Sonny Angara ang mga programa para sa edukasyon, kalusugan at seguridad sa mga paaralan.

Binigyang-diin din ni Elardo ang kahalagahan ng mga feeding program para sa mga batang nangangailangan ng dagdag na nutrisyon.

“’Yun feeding program kasi, minsan isinasagawa ‘yan sa eskwelahan lalo na kung marami yung bilang ng mga malnourished children,” ani Elardo.

Nais din ng SPTA na mapalakas ang seguridad sa mga paaralan, kabilang ang paggamit ng mga metal detector upang maiwasang makapasok ang mga mapanganib na bagay.

“Other program na ita-tackle rin, ‘yun mga kagamitan na puwedeng gamitin tulad nung … metal detector scanner ay isa sa mga bagay na nakakatulong sa pagpasok ng mga estudyante,” ani Elardo.

May 41 pampublikong paaralan sa Santiago City na may humigit-kumulang 5,000 estudyante sa elementarya at high school.

Samantala, binisita rin nina Pangulong Marcos at Secretary Angara ang Patul Elementary School upang tingnan ang pagpapatupad ng Home-Grown School Feeding (HGSF) sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP).

Layunin ng programa na mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga mag-aaral habang nakatutulong din sa mga lokal na magsasaka.

Nakabatay ang programa sa Republic Act No. 11037 o Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act. Nagbibigay ito ng mainit na pagkain na may hindi bababa sa 30 porsiyento ng kinakailangang energy at nutrients ng mga bata, gamit ang mga produktong direktang kinukuha mula sa mga lokal na smallholder farmers. ( DARIS JOSE)