Supply ng tubig sa Metro Manila babawasan dahil sa El Niño
- Published on October 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
SIMULA ngayong Okubre, ibababa na sa 44 cubic meters kada segundo ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila bilang paghahanda sa posibleng epekto ng inaasahang Super El Niño.
Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), mula ito sa regular na 50 hanggang 53 cubic meters kada segundo na inilalaan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), na nangangasiwa sa suplay ng tubig sa Metro Manila, Cavite, at Rizal sa pamamagitan ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc.
Kasabay nito, ibababa rin sa 20 cubic meters kada segundo ang alokasyon para sa irigasyon mula sa kasalukuyang 30 hanggang 35 cubic meters kada segundo. Layunin ng hakbang na mapanatiling sapat ang suplay ng tubig para sa publiko at sektor ng agrikultura.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., kailangan ang maagang paghahanda dahil posibleng maging isa sa pinakamainit at pinakamalalang El Niño na mararanasan ng bansa. Maaari umanong bumaba ang dami ng ulan na siyang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Angat Dam.
Ang Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan ay nagsusuplay ng 90% hanggang 98% ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila at nagbibigay rin ng irigasyon sa halos 31,000 ektaryang lupang sakahan sa Bulacan at Pampanga. Bagama’t nasa normal na 208-meter level ang dam, sinabi ni David na hindi pa ito dahilan upang maging kampante.
Hinikayat ng NWRB ang MWSS na gamitin ang iba pang mapagkukunan ng tubig, kabilang ang mga treatment facility sa Laguna Lake, Cavite, at Parañaque, habang nanawagan din sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig upang makatulong na mapanatili ang suplay sa harap ng El Niño.