Mambabatas nanawagan na magsagawa ng rebyu ang gobyerno sa energy policies nito
- Published on September 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
DALA na rin sa pabago-bagong takbo ng global oil market, muling nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na magsagawa ng rebyu ang gobyerno sa energy policies nito para sa pagbuo ng long-term solutions na babawas sa pagdepende ng bansa sa langis at protektahan ang mga Pilipino sa mataas na presyo nito.
“Ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa hindi nating kontroladong mga pangyayari sa Middle East, kailangang masusing tingnan kung paano mababawasan ang ating pagdepende sa imported na langis at mapapalakas ang ating energy security,” ani Diokno. “Suspending the excise tax is only a temporary solution. We need long-term measures and policies to ensure that the country has a sufficient and reliable energy supply.”
Sinabi nito na dapat na ipursige ng gobyerno ang pagkakaroon ng malinaw at komprehensibong energy strategy na magpapalakas sa domestic energy sources, mapalawig ang energy mix, at mabawasan ang impact ng global oil price sa Filipino consumers.
“Isinusulong din natin ang pagpapalakas ng ating renewable sources, gaya ng solar at wind, upang hindi na tayo umasa sa enerhiyang mula sa langis at para magkaroon tayo ng mas maraming altenatibong source ng enerhiya,” anang mambabatas.
Ayon pa kay Diokno, ang anumang pagbabago sa presyo ng langis ay nakakaapekto din sa presyo ng pangunahing bilihin at iba pang produkto.
“Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tumataas din ang halaga ng mga bilihin na nagbibigay ng dagdag na bigat sa ating mga kababayan, mga negosyo, at mga manggagawa na pilit pinagkakasya ang kanilang kita,” aniya.
(VINA de GUZMAN)