• September 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dalawang araw na nationwide transport strike sa pangunguna ng PISTON, suportado ng KMP

SUPORTADO ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang dalawang araw na nationwide transport strike sa pangunguna ng PISTON, kasabay ng panawagan na agarang big-time rollback sa presyo ng gasolina at pagtanggal ng VAT at excise taxes sa petroleum products, na siyang nagtataas sa gastusin ng mga magsasaka sa produksyon at transportasyon.

Ayon pa sa KMP, ang rollback na P7.57 kada litro sa diesel, P5.85 sa kerosene at P0.24 sa gasolina ay hindi nakakabura sa mataas na dagdag presyo ngayong buwan.

“Hindi lang problema ng mga tsuper at konsyumer ang mataas na presyo ng langis. Malaking problema din ito ng mga magsasaka. Bawat pagtaas sa presyo ng diesel ay pagtaas sa gastos sa land preparation, irigasyon, renta ng makinarya, pag-aani, paghahakot at transportasyon ng mga produkto mula sa bukid papunta sa palengke,” ayon kay KMP Secretary General Ronnie Manalo.

“Kapag tumataas ang diesel, tumataas ang gastos ng magsasaka. Pero hindi naman awtomatikong tumataas ang presyo na natatanggap namin sa farmgate. Ang nawawala sa kita ng mga magsasaka ay napupunta sa dagdag-gastos sa produksyon at transportasyon,” ani Manalo. “Sa huli, ang kumita lang ay ang mga kumpanya ng langis.”

Kritikal ang papel ng diesel bilang farm input, mula sa hand tractors at iba pang makinaryas, irrigation pumps, harvesters, hanggang threshers at trucks.

Sinabi pa nito na sobrang bigat ng epekto ng sunod-sunod na lingguhang taas-presyo ng langis sa mga magsasaka ng gulay at iba pang madaling masirang produkto.

Kaunti o halos wala na aniyang kapasidad ang mga magsasaka na mag-imbak ng kanilang ani at umaasa lang sa pag-transport ng gulay.

“Nauubos ng mataas na gastos sa transportasyon ang maliit nang kita sa farmgate, at sa ilang pagkakataon, hindi na praktikal at lugi na ang mga magsasaka kapag dinala pa nila sa trading post ang mga gulay. Kaya may mga napipilitan na itapon o ipamigay na lang ang kanilang aning repolyo, kamatis, at iba pa.”

“Paulit-ulit sinasabi ng gobyerno na may ayuda at subsidyo, pero mga magsasaka, tsuper at konsyumer ang nagpapasan ng epekto ng presyo ng langis,” giit ni Manalo.

(VINA de GUZMAN)