• September 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Universal Social Pension, panawagan na lagdaan na ni PB

NANAWAGAN ang isang mambabatas kay Pangulong Bongbong Marcos na agad lagdaan ang Universal Social Pension kasabay ng selebrasyon ng Elderly Filipino Week mula October 1 hanggang 7.

Ayon kay United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, mahigit sa 12 milyong Filipino senior citizens sa bansa ang kumakaharap sa pagtaas ng healthcare costs at inflation at ang universal coverage ay hindi na isang pribelehiyo kundi basic right ng bawat lolo at lola na naging bahagi sa pagtulong sa paglago ng sosyedad.

“Ang ating mga lolo at lola ang nagbanat ng buto, nagturo, at nagtaguyod sa henerasyong nagpapatakbo ngayon sa ating bayan. Hindi makatarungan na sa kanilang pagtanda ay nangangamba pa sila kung saan kukunin ang pambili ng gamot o pangkain sa araw-araw,” mariing pahayag ni Magsaysay. “Hindi ito limos. Ito ay laban para sa kanilang dangal, karapatan, at kapakanan.”

Layunin ng panukalang batas na tanggalin ang mga masasalimuot na patakaran at limitasyon na nagdudulot upang marami nating nakatatanda ang maitsapwera, upang matiyak na walang maiiwang lolo o lola saanmang sulok ng kapuluan.

Buong-paggalang na kinilala ni Magsaysay ang pagpapahalaga ng Pangulo sa kapakanan ng maralitang sektor, kasabay ng pakiusap na gawing ganap na batas ang panukala bilang makasaysayang pamana sa mga nakatatanda ngayong linggo ng kanilang pagpupugay.

“Mahal naming Pangulo, sa pagdiriwang po ng Linggo ng Katandaang Pilipino ngayong Oktubre 1 hanggang 7, umaasa ang 12 milyong senior citizens sa inyong malasakit at pamumuno. Ang isang lagda po ninyo ay magdudulot ng kapanatagan, kalinga, at pag-asa sa bawat tahanang Pilipino. Iparamdam po natin sa kanila na hindi sila pinababayaan ng pamahalaan.”

Nanawagan din si Magsaysay sa sambayanan, lalo na sa mga samahan ng senior citizens sa buong kapuluan, na magkaisa at iparinig ang kanilang tinig upang maisakatuparan ang batas.

“Hindi po ako titigil hangga’t hindi natutugunan ang karapatan ng bawat lolo at lola. Sa ating mga minamahal na senior citizens: magtiwala po kayo, kasama ninyo ako sa bawat laban, at titiyakin nating maririnig ang inyong boses sa Malacañang.” (VINA de GUZMAN)