• September 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, naglaan ng 5 “Libreng Sakay vehicles para sa 3 araw na transport strike

NAGHANDA ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ng pitong sasakyan at response assets, kabilang ang limang sasakyang nakalaan para sa “Libreng Sakay” upang tulungan ang mga commuter at tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa nakatakdang tatlong-araw na nationwide transport strike mula Setyembre 28 hanggang 30.

Bahagi ito ng pinag-ugnay na mga hakbang pang-emerhensiya ng Lungsod sa pangunguna ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO), katuwang ang mga kinauukulang departamento ng lungsod, mga ahensya ng pambansang pamahalaan, mga barangay, at local transport groups.

“Ngayong mayroon na naman pong isinasagawang tigil-pasada, prayoridad natin ang kapakanan ng ating mga kapwa Malabueño upang masiguro na makakarating sila sa kanilang mga paroroonan nang maayos at ligtas. Patuloy ang koordinasyon at pakikipagtulungan natin sa mga transport groups sa lungsod, kasabay ng paghahanda natin ng Libreng Sakay para sa ating mga kababayan. Mag-iingat po ang lahat,” ani Mayor Jeannie Sandoval.

Ang nasabing mga sasakyan ay i-deployed sa mga lugar kung saan may napaulat na stranded na mga pasahero na mahigpit na babantayan ng PSTMO, partikular sa mga kalsadang malapit sa Malabon City Hall, Hulong Duhat, Concepcion, Acacia-Palengke, Panghulo-Tatawid, Catmon-Francis, Potrero-Del Monte, at C-4 Road/Letre.

“Nakahanda ang ating mga tanggapan at katuwang na ahensya upang agad na makapagbigay ng tulong sa ating mga Malabueño na maaaring ma-stranded dahil sa transport strike. Nakaposisyon na ang mga sasakyan at response teams, habang patuloy ang monitoring sa mga lugar na maaaring magkaroon ng crowd build-up. Mahalaga ang mabilis na koordinasyon ng bawat tanggapan upang masiguro ang maayos at ligtas na pagbiyahe ng ating mga kababayan,” sabi ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete.

Nakipag-ugnayan din ang Pamahalaang Lungsod sa PNP, BFP, MMDA, at mga barangay upang palakasin ang monitoring, security, emergency response, at pagpapalaganap ng impormasyon sa loob ng tatlong-araw. (Richard Mesa)