Panukalang taasan ang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC), mariing tinutulan ng mambabatas
- Published on September 28, 2026
- by Francis Paolo Torres
MARIING tinutulan ng isang mambabatas ang panukalang taasan ang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) na dagdag pondo ng gobyerno para sa repair ng mga pangunahing kalsada sa bansa.
Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, hindi na kailangan taasan ang MVUC kung dagdag pahirap sa mga motorista.
“Naiintindihan natin ang pangangailangan para sa mas malaking pondo para sa maintenance ng ating mga kalsada. Pero hindi ibig sabihin na ang pinakamadaling paraan ay agad na ipasa ang dagdag na gastusin sa ordinaryong motorista,” sinabi ni Quimbo.
Batay sa proposed adjustment ng Department of Finance (DOF), ang kasalukuyang MVUC collections ay hindi sapat na pondohan ang mga maintenance ng mga kalsada dahil sa inflation.
Sabi ni Quimbo, kung kailangan ng dagdag na revenue, tingnan muna kung saan mas may kakayahang mag-ambag.
“Hindi dapat automatic na ang ordinaryong taxpayer at motorista ang sasalo ng dagdag na pasanin,” ani Quimbo.
Aniya, ang road maintenance ay responsibilidad ng gobyerno. “At dapat hanapan ng paraan na hindi dagdag-pasanin para sa mga ordinaryong Pilipino ang magiging default na solusyon,” dagdag ng kongresista.
(VINA de GUZMAN)