Most wanted person sa 9 na bilang ng kasong Qualified Theft, timbog sa Valenzuela
- Published on September 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
KALABOSO ang isang binata na wanted sa siyam na bilang ng kasong Qualified Theft sa Quezon City matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na ang akusado ay isang 29-anyos na lalaki na residente ng Brgy., Arkong Bato ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Police Sub-Station 5 Commander P/Lt. Ailyn Domingo ang operation laban sa akusado kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga pulis ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 81, Quezon City noong September 15, 2026 para sa kasong Qualified Theft under Art. 310 in rel. to Art. 308 of the RPC (9 Counts) na may inirekomendang piyansa na kabuuang halaga na P144,000.00.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. (Richard Mesa)