• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagpapaliban ng BSKE, magbibigay lamang ng karagdagang panahon sa mga opisyal na kumapit sa kapangyarihan

KINONDENA ng isang mambabatas ang ginawang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na aniya’y nagbibigay lamang ng karagdagang panahon sa mga opisyal na kumapit sa kapangyarihan

“Ang karagdagang panahon sa panunungkulan ay karagdagang panahon para kumapit sa kapangyarihan, lalo na kung walang malinaw na batayan para ipagpaliban ang halalan. Kunwari pang term extension lang ang ginagawa, pero BSKE postponement ang totoong habol.” sabi ni Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co.

Ginawa ni Co ang pahayag matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang Republic Act No. 12326 na ipagpaliban ang BSKE sa November 2028 at bibigyan ng limang taon na termino ang mga opisyal.

“Kung babalikan, naisagawa naman ang BSKE noong 2023 sa kabila ng iba’t ibang krisis, kaya malaking kasinungalingan kung sasabihin na hindi handa ang gobyerno. Sabi nga ng COMELEC, gumastos na sila ng milyones sa paghahanda para sa paparating na eleksyon. Para saan pa ang lahat ng iyon kung hindi lang pala ito matutuloy?” tanong ni Co.

Iginiit ng mambabatas na dapat ituloy ang BSKE at nagbanta na kung hindi matutuloy, ang taumbayan at ang mga kabataan “ang maniningil at pagpananagot, mula sa baba hanggang sa tuktok.” (vina de guzman)