Para mailigtas siya mula sa death row…Paglaya ni Veloso, resulta ng pakikibaka ng mga OFW groups at mga Pilipinong walang sawang nanindigan
- Published on September 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
IKINAGALAK ng ilang mambabatas ang absolute pardon na ibinigay ni Pangulong Bongbong Marcos kay Mary Jane Veloso, isang OFW na nakulong sa Indonesia ng 16 na taon matapos mahatulan bilang drug courier.
“Nakikiisa tayo sa pamilya Veloso sa kanilang pagdiriwang. Sa dulo ng kanilang mahabang paghihintay, sa wakas makakauwi na si Mary Jane,” sinabi ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña.
Ayon kay Cendaña, ang paglaya ni Veloso ay resulta ng pakikibaka ng mga OFW groups, migrant rights advocates, at mga Pilipinong walang sawang nanindigan para mailigtas siya mula sa death row.
Ayon naman kay Gabriela Women’s Partylist Rep. Sarah Elago, hindi kusang-loob na dumating ang kalayaan ni Veloso.
“Pinaglaban ito ng kanyang pamilya, mga migranteng Pilipino, taong simbahan, human rights defenders, women’s groups, lawyers, at mamamayang patuloy na nanindigan kahit ilang taon nang tila walang kasiguruhan ang kanyang paglaya,” sinabi ni Elago.
Aniya, matagal nang dapat pinalaya si Veloso. “Matagal na rin nating iginiit na siya ay biktima ng human trafficking at pagsasamantala, hindi kriminal na dapat parusahan.”
Sumang ayon si Elago kay Cendaña na ang paglaya ni Veloso ay pagkilala “sa mahabang laban upang itama ang isang matinding kawalan ng hustisya.”
Nakapiit si Veloso ng 16 na taon matapos siyang maaresto at mahulihan ng 2.6 kilos ng heroin sa Adisutjipto International Airport sa Yogjakarta, Indonesia noong April 25, 2010.
Sa gitna ng apila ng kampo ni Veloso na biktima lang siya at ginamit bilang drug mule, sinintensiyahan siya ng bitay ng District Court of Justice sa Yogjakarta noong October 11, 2010.
Hindi natuloy ang bitay ni Veloso at na-commute ang sentensiya matapos ang apila ni dating Pangulo Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Noong December 2024, pinayagan ng Indonesian government na ilipat si Veloso sa kustodiya ng Philippine government, kung saan siya ikinulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
(VINA de GUZMAN)