Huwag pulitikahin ang trahedya na naganap sa eskuweluahan, pagtuunan ng pansin ang pagbibigay solusyon
- Published on September 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINIKAYAT ng isang mambabatas si Vice President Sara Z. Duterte na huwag pulitikahin ang naganap na madugong trahedya sa Banga National High School na ikinasawi ng ilang estudyante, sa halip ay hanapan ng seryosong solusyon para maprotektahan ang mga mag-aaral.
Ang apela ay ginawa ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos isisi ni Duterte sa administrasyong Marcos ang insidente.
“Seryoso po ’yung ganitong usapin, at meron pong actual na biktima, may actual pong mga namatay, at meron pong nagdadalamhati sa ganitong pangyayari. Sana po, huwag po nating politikahin ito. Huwag po nating i-exploit ’yung pain, pagdadalamhati ng mga biktima by pointing to the wrong person or assigning the guilt or the blame to the wrong person,” anang mambabatas.
Sa halip na manisi habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang otoridad, sinabi ni Alonto Adiong na dapat tutukan ng mga public officials ang paghahanap nga paraan kung papaano maiiwasan na mangyari ang ganitong insidente sa hinaharap.
“So dapat po, ang dapat na gawin natin bilang mga responsableng public officials is to support the ongoing investigation and to support the family by way of making sure na wala pong magiging biktima na susunod sa mga mass shooting,” ani Alonto Adiong.
Nanawagan din ito ng mas mataas na pondo para sa Department of Education para kumuha ng karagdagang guidance counselors na tutulong na matukoy ang mga estudyanteng nakararanas ng problema at mapalakas ang security measures sa mga paaralan.
“Let’s equip the Department of Education the necessary funding for them to hire more guidance counselors, for them to be able to detect kung meron pong problema ang kanilang mga estudyante. Bigyan po sila ng mas sapat na mga pondo para magkaroon sila ng security measures sa kanilang mga paaralan,” dagdag nito.
Kinuwestiyon naman ni House prosecution team adviser at spokesperson Ace Barbers ang naging basehan ni Duterte sa paninisi nito sa Marcos administration sa naganap na pamamaril.
“Ako, para sa akin, I will not dignify that statement kasi wala namang basehan,” ani Barbers. “Ano ’yung ebidensya at basehan para sabihin na ang dahilan ay ang administrasyon ng Pangulong Marcos kung bakit nangyayari ito?”
Iginiit pa ni Barbers na hindi dapat maging “blame game” ang insidente at sa halip ay dapat gawing prayoridad ang paghahanap ng solusyon at paraan upang maiwasan ang ganitong insidente.
“This is not a blame game thing, you know. Hindi naman dapat tayo nagtuturo. Dapat nga nagkakaisa tayo para masolusyonan itong problemang ito. We cannot start solving this problem kung magtuturo tayo nang magtuturo. At kung magtuturo ka rin lang din, dapat meron ka ring basihan o ebidensya,” pagtatapos ni Barbers (VINA de GUZMAN)