Bebot at kelot na kapwa wanted sa carnapping sa QC, nasukol sa Caloocan
- Published on September 21, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGWAKAS na ang maligayang araw ng dalawang karnaper na kapwa wanted sa Quezon City kabilang ang isang bebot matapos masakote ng pulisya sa magkahiwalay na operation sa Caloocan City.
Mahigit pitong taon nagtago sa batas ang puganteng si alyas “Lily” bago nasukol ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa harap ng Gate 2, Zamora Compound, Camarin Road, Brgy. 172 dakong alas-7:15 ng gabi .
Matagal ng tinutugis ng pulisya si alyas Lily mula nang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 92 noong Marso 15, 2019 para sa kasong paglabag sa R.A. 10883 o ang New Anti‑Carnapping Act na may inilaang piyansang ₱300,000.00.
Pasado alas-2:30 ng hapon nang makorner naman ng mga operatiba ng NPD District Special Operations Unit (DSOU) ang 22-anyos na kelot sa kanyang tinutuluyang lugar saPhase 6, Package 4, Camiling, Barangay 178, Camarin,.
Inaresto siya sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng kaparehong korte noong September 4, 2026, para sa paglabag sa R.A 10883 o ang Anti-Carnapping Act of 2016, na may inilaan ding piyansa na P300,000.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer‑in‑Charge P/BGen. Christopher N Abrahano, ang pakakadakip sa mga akusado ay bahagi ng pinalakas at patuloy nilang pagsisikap na tukuyin at dakpin ang mga taong may nakabimbing warrant of arrest sa kinakaharap na kaso.
Pinuri rin niya ang mga umarestong pulis sa kanilang pagsisikap at propesyunalismo, kasabay ng pagbibigay diin na ang pagsisilbi ng warrant sa mga wanted na kriminal ay nananatiling pinakamahalagang bahagi ng kanilang mga pangunahing tungkulin. (Richard Mesa)