NCRPO naka-full alert sa inaasahang kilos-protesta
- Published on September 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKA-full alert simula Setyembre 19, ang National Capital Region Police Office (NCRPO) bilang paghahanda sa mga inaasahang kilos-protesta sa Metro Manila sa Setyembre 21.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson PCol. Allen Rae Co, aabot sa 15,746 pulis ang ide-deploy sa Metro Manila para sa seguridad. Maaari ring magdagdag ng tauhan mula Central Luzon, Calabarzon at iba pang rehiyon depende sa magiging sitwasyon.
Magsisimula ang full alert alas-12:01 ng Setyembre 19 at pagsapit ng alas-5 ng hapon ay inaasahang kumpleto na ang deployment ng mga pulis. Hindi armado ang mga itatalaga sa crowd security operations, at sa halip ay armado ng helmet, shield, at baton ang mga crowd dispersal management (CDM) personnel.
Gagamit din ng body-worn cameras ang mga pulis sa operasyon upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng seguridad. Sinabi ni Co na wala pang natatanggap na aplikasyon para sa rally permit ang PNP, bagama’t inaasahang magsasagawa ng mga aktibidad ang ilang grupo sa Setyembre 21.
Maaari umanong magsagawa ng mapayapang pagtitipon sa mga itinalagang freedom park kahit walang permit, ngunit kailangan ng permit para sa mga protesta sa ibang lugar. Wala pa ring partikular na banta na namo-monitor ang PNP, ngunit nakahanda na ang security plan para sa Malacañang.
Tiniyak ni NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano na paiiralin ang maximum tolerance sa mga raliyista at hinikayat ang mga ito na maayos at mapayapang ihayag ang kanilang saloobin, habang iginagalang ang karapatan at kaligtasan ng ibang mamamayan.