• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3 timbog sa P340K shabu sa Malabon

UMABOT sa mahigit P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong hinihinalang drug personalities matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni PNP-DEG SOU-NCR Chief P/Col. Aquino Olivar ang naarestong mga suspek bilang sina alyas “Mark”, 25, alyas “James”, 25, at alyas “James”, 21, pawang residente ng Brgy., Marulas, Valenzuela City.

Sa ulat, nagsagawa ang mga operatiba ng PNP-DEG SOU-NCR sa pangunguna ni P/Lt. Juan Carlos De Ramos ng buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA sa Damzon St., Brgy., Muzon, Malabon City.

Ang operation ay nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-4:51 ng madaling araw matapos umanong magbenta ang mga ito ng P340,000 halaga ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpisa sa mga suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000, dalawang pirasong vape cartridge ng suspected marijuana vape/carts, buy bust money, cellphone at isang puting Toyota Corolla Altis.

Ayon sa pulisya, sasampahan nila ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)