Romualdez, handang harapin ang mga akusasyon kahit ilipat pa siya mula ospital hanggang kulungan
- Published on September 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
NANINDIGAN si dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na wala siyang kasalanan at handa siyang harapin ang mga akusasyon kahit ipalipat pa siya ng kustodiya mula sa ospital hanggang sa kulungan.
Aniya, nirerespeto niya ang desisyon ng Sandiganbayan at hindi magbabago ang kanyang posisyon kahit ilipat pa siya mula sa Cardinal Santos Medical Center sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“I have always said that I will face the charges against me and answer them before the proper court. That has not changed. I maintain my innocence. Haharapin ko ang kaso. Sasagutin ko ang mga paratang,” sabi ni Romualdez.
Iniutos ng Sandiganbayan 3rd Division ang paglilipat kay Romualdez sa Quezon City Jail Male Dormitory, kung saan siya ituturing na detention prisoner.
Nakabatay ang kautusan sa resulta ng independent medical examination kay Romualdez noong September 12, na isinagawa ng 12 doktor at specialists ng Philippine General Hospital (PGH).
Inamin ni Romualdez na ang paglilipat sa kanya sa kulungan ay magiging mahirap sa kanya at sa kanyang pamilya.
“This is a difficult moment for me and my family. But I will face the days ahead with dignity, with faith in God, and with confidence in the truth,” sinabi ni Romualdez. (VINA de GUZMAN)