Jeepney driver, kasama pinaulanan ng bala sa Malabon, kritikal
- Published on September 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASA kritikal na kalagayan ang isang jeepney driver at kanyang kasama nang tambangan at paulanan ng bala ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek habang pumapasada sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa San Lorenzoe Ruiz Hospital sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas “Jerome” 30, ng Gov. Pascual St Brgy. Tinajeros habang sa Valenzuela Medical Center naman inoobserbahan ang jeepney driver na si alyas “Sherwin”, 37, ng Lapu-Lapu St, Brgy. 77, Caloocan sanhi ng tama ng bala sa tiyan na tumagos sa kanang bahagi ng kili-kili.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD ) Director P/BGen. Benliner Capili, sakay ang mga biktima ng pinapasadang jeepney habang tinatahak ang kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy Tinajeros, nang parahin sila ng dalawang suspek sa tapat ng K-BBQ & Milk Tea bago pinaulanan ng bala.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Kaingin St. sa naturan ding barangay habang kapwa naman na isinugod ang mga biktima sa nasabing mga pagamutan.
Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang anim na basyo ng bala at isang depormadong bala ng hindi pa tinukoy na kalibre ng baril.
Iniutos na ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa kanyang mga tauhan ang masusing imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pananambang. (Richard Mesa)