• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

No. 1 most wanted person ng Malabon, shoot sa rehas

HIMAS-REHAS ang 20-anyos na construction worker na akusado sa tatlong bilang ng Statutory Acts of Lasciviousness nang masukol ng tumutugis na kapulisan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pansamantalang nakapiit sa custodial facility unit ng Malabon City Police Station ang akusado na nakatala bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng Malabon CPS.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, nang maglabas ang Regional Trial Court Branch 73, Malabon City, noong August 25, 2026 ng arrest warrat para sa tatlong bilang ng Statutory Acts of Lasciviousness at paglabag sa Section 10(a) ng R.A 7610 laban sa akusado ay agad nilang sinimulan ang pagtugis sa pugante.

Nang makatanggap ng tip mula sa isang impormante ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon Police na nakitang nakatambay ang akusado sa Brgy., Catmon ay agad silang nagkasa ng operation hanggang makorner ito dakong alas-2:30 ng hapon.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng pulisya ang nasabing warrant na may inirekomendang piyansa na kabuuang halaga na P404,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sinabi ni Col. Mission na patuloy ang isinasagawa nilang mga lehitimong operasyon laban sa mga wanted indibidwal bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan ng Lungsod Malabon. (Richard Mesa)