Obrero na tulak, timbog sa P340K droga sa Valenzuela
- Published on September 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMABOT sa mahigit P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang construction worker na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga matapos maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Col. Aquino Olivar, hepe ng Special Operation Unit ng National Capital Region (SOU-NCR), PNP-DEG ang suspek na si alyas “Gino”, 39, residente ng Brgy., Marulas ng lungsod.
Ayon kay Col. Olivar, ikinasa ng kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Lt. Juan Carlos De Ramos ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA at NPD Tactical Operation Center matapos magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil pagbebenta umano ni alyas Gino ng shabu.
Benentahan umano ng suspek ang isang pulis na nagpanggap ng isang knot tied plastic ng shabu na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-11:41 ng gabi sa F. Bautista Street, Barangay Marulas.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may estimated value na P340,000 at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at apat na bundle ng P1,000 boodle money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)