• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA AT GLOBE, NAGTURO NG DIGITAL LITERACY SKILLS SA MGA SENIOR CITIZEN NG VALENZUELA

MATAGUMPAY na inilunsad ng National Housing Authority (NHA), sa pamamagitan ng Community Support Services Department (CSSD) sa pamumuno ni OIC Department Manager Maricris G. Maninit, at sa pakikipagtulungan ng Globe Telecom ang isang learning initiative na nakatuon na matulungan ang mga nakatatanda na magkaroon ng kaalaman sa digital transformation at digital literacy. 

Nasa 80 senior citizens ang dumalo sa pilot implementation nito sa Disiplina Village, Bignay, Valenzuela City, na pinangunahan nina NHA-North Sector Officer-in-Charge Engr. Wenson O. Reyes at Malabon/Navotas/Valenzuela Office District Manager Ms. Mishella T. Cruz, kasama ang ilang kawani ng Globe Telecom at Community Support Services Department ng ahensya.

Ang programa–na tinatawag na #SeniorDigizen ay naglalayong turuan ang mga senior citizens mula sa iba’t ibang resettlement sites ng NHA tungkol sa ligtas, responsable, at kapaki-pakinabang na paggamit ng makabagong teknolohiya, pati na rin ang pagprotekta sa kanilang sarili laban sa mga online scam, phishing, at iba pang uri ng digital fraud.

Nagbigay ng mga aralin ang mga kawani ng Globe Telecom tungkol sa Smartphone 101, Cybersecurity and Safety, at Guide to GlobeOne App and GCash, bilang tatlong modules. 

Kung maaalala, pumirma ang NHA at G-Xchange Inc. ng isang Memorandum of Agreement noong Oktubre 2025, hudyat ng pagsasama ng GCash app bilang pinakabagong e-payment channel ng ahensya, na nagpapahintulot sa mga benepisyaryo ng pabahay na bayaran ang kanilang buwanang amortisasyon sa pinaka-mabilis at pinaka-episyenteng pamamaraan. 

Sa ilalim ng kanyang direktiba, ipinahayag ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang kanyang suporta sa pagsasagawa ng kaganapan, habang binibigyang-diin ang pakinabang nito para sa mga nakakatanda, maging sa mismong ahensya–sa pamamagitan ng pagpapabuti ng collection efficiency gamit ang GCash at ilan pang Globe-related applications. 

Ang partnership na ito sa pagitan ng NHA at Globe Telecom ay alinsunod sa NHA Memorandum Circular No. 2016-088 na nagsasaad ng kahalagahan ng networking sa pagbibigay ng mga oportunidad sa mga benepisyaryo ng pabahay at mga homeowner associations (HOAs) ng ahensya.

Ayon sa ulat ng NHA, ipapagpapatuloy pa nito ang paglulunsad ng programa sa iba pang project sites ng ahensya, upang mas marami pang senior citizens ang matulugan. (PAUL JOHN REYES)