• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Testimonya ni Army Colonel Boransing II…AFP, wala raw tinanggap na 15.5M confidential fund mula sa DepEd noong termino ni VP Sara

INIHAYAG ni Army Colonel Manaros Boransing II na walang tinanggap na anumang confidential fund ang kanyang unit mula sa Department of Education noong termino ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim nito para sa isinagawang walong leadership seminars sa Mindanao provinces noong 2023.

Testimonya ito ni Boransing sa ika-20 araw ng impeachment trial ni Vice President na nagsilbing saksi para sa prosekusyon.

Sinabi nito na habang nagsagawa sila ng Youth Leadership Seminar (YLS) kasama ang DepEd, hindi niya batid kung papaano nagbayad ang ahensiya para sa ginastos sa naturang seminar.

Ang impormasyon na inilaan ng DepEd sa militar ay ukol sa eskuwelahan at schedule ng estudyante upang mabatid ang availability para sa seminar.

“I have no knowledge on [DepEd’s] source of funds. I can only speak for us. There were no DepEd funds downloaded to our unit,” dagdag nito.

Isa si Boransing sa ilang military officials na nag-isyu ng military certifications noong January 2024, na dala na rin sa kahilingan ni noon ay DepEd Undersecretary Michael Poa.

Humingi si Poa ng military certifications bilang tugon sa pagtatanong ng auditors ukol sa documentary evidence ng DepEd’s P15.5 million worth of confidential fund spending bilang pabuya sa informants.

Sinabi ni Boransing na hindi niya batid na ang kanyang certification ay gagamiting bilang katwiran sa confidential fund spending ng DepEd.

“I have no knowledge of that. I haven’t even read COA (Commission on Audit) documents,” aniya.

(VINA de GUZMAN)