Dapat i-address ang problema at hindi band-aid solution…ROMNICK, nagbigay ng opinyon sa nagaganap na karahasan at krimen (ni: ROMMEL GONZALES)
- Published on August 22, 2026
- by Francis Paolo Torres
MARAMING karahasan at krimen ang nagaganap ngayon, at ang iba sa kanila ay ikinakabit sa isyu ng mental health o sa droga.
Nakalulungkot at nakagugulat na ang karamihan sa mga krimen ngayon ay mga kabataan ang sangkot.
Natanong si Romnick Sarmenta kung may maisa-suggest ba siya sa gobyerno para mabawasan ang mga ganitong pangyayari?
“Madaling sisihin ang mga bagay na flying in the air, e.
“Katulad nun, pag sinabi, ‘Ah, droga ang dahilan niyan.’ ‘Ah, ganito yan.’
“Pero may programa ba tayo para turuan ang mga estudyante kung papaano igalang yung baril?
“May programa ba tayo para pigilan at bantayan kung sino ang nagkakaroon ng baril?
“May programa ba tayo na nagsasabing safe yung mga anak natin sa loob ng paaralan?
“May programa ba tayo para sa pagbabantay ng kasiguraduhan nung mga neurological exams natin sa mga nagpupulis, sa mga nag-a-apply magkaroon ng firearms?
“Lahat ba yun sigurado natin na in place, na maayos?”
Pagpapatuloy pa ni Nicko, “Madaling manisi, e. Madaling makakita ng dahilan. Pero hangga’t hindi natin napapag-aralan kung saan siya nagmula, ano ang pinanggalingan, hindi natin puwedeng sabihin na nakahanda tayo, e.
“Madali ring sabihin, kasalanan ng magulang. Puwede nga nating sabihin, kasalanan ng video games.
“Pero singkuwenta’y kuwatro anyos na po ako, nagbi-video game pa rin ako, wala pa akong sinasaktang tao. ‘Di ba?
“I mean, yung context, maraming bagay na puwedeng sabihin. And until ma-figure out natin kung ano yung dapat talaga nating i-address at papaano siya ia-address nang tama, hindi yung band-aid solution.
“Hindi yung tataasan natin ng ganito, babawalan natin ng ganito. Hindi yun ang solusyon, e.
“Ang solusyon, tinuruan ba natin sila from the very beginning? At ginagawa ba natin yung tama para sa kanila?”
Si Romnick ay si Ramon sa six-part YouTube series na “Drug War: A Conspiracy of Silence.”
Nasa cast din sina Ian Veneracion, John Arcilla, Jane Oineza, Gabby Padilla, Ryan Eigenmann, Joem Bascon, Yayo Aguila, Miggy Jimenez, Lotlot de Leon, Enzo Osorio, at Yogo Singh, sa direksyon ni Shugo Praico.
Umere na ang episode 4 nito simula ngayong August 20, sa YouTube channel ng Rein Entertainment.***
Papa Dudut, malapit nang mapanood sa TV
GOOD news sa listeners ng Barangay Love Stories!
Ngayong Setyembre, mapapanood na rin sa telebisyon si Papa Dudut at ang mga kuwentong sa radyo at podcast lamang tumatatak sa isip at puso ng mga nakikinig.
Tiyak mas mapapalapit na sa mas maraming Kapuso ang mga kuwentong puno ng buhay, pag-ibig, pagsubok, at pag-asa dahil ang Barangay Love Stories, nasa TV na rin.
Paalala nga ni Papa Dudut: ‘Ano man ang kuwento ng puso mo, may handang makinig sa’yo.’
Kaya naman, abangan ang Barangay Love Stories, ngayong Setyembre na sa GMA!