Mayor Sandoval, namahagi ng laptop sa mga guro sa Malabon
- Published on August 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAHIGIT 3,000 laptops ang ipinamahagi ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa mga guro ng pampublikong paaralan bilang suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapalakas sa sektor ng edukasyon.
Isinagawa ng alkalde ang pamamahagi sa Malabon Sports Complex na aniya ay katuparan ng kanyang pangako na matiyak na mas magiging madali at dekalidad ang trabaho ng mga guro at non-teaching personnel na silang pundasyon ng edukasyon at magandang kinabukasan ng mga mag-aaral.
“Ito ang katuparan ng ating naging pangako noon na masiguro na mas magiging madali at dekalidad ang pagtatrabaho ng ating mga guro at non-teaching personnel. Kayo ang pundasyon ng edukasyon at magandang kinabukasan ng ating mga mag-aaral. Makakaasa po kayo na ang Pamahalaang Lungsod ay patuloy na susuporta sa inyo,” ani Mayor Jeannie.
Naniniwala din siya na makakatulong ang mga laptop sa pagsuporta sa mga guro sa paghahanda ng kinakailangang materyales sa pagtuturo, pamamahala ng gawaing pang-paaralan, at paggamit ng makabagong teknolohiya.
Bukod sa mga laptop, isinabay na rin ni Mayor Sandoval ang pamamahagi ng P4,500 na second-quarter allowance sa mga kuwalipikadong guro bilag karagdagang suportang pinansiyal at pagkilala sa kanilang pagsisikap na turuan ng maayos ang mga estudyanteng Malabueño.
Naniniwala naman si City Administrator Dr. Alexader Rosete na ang pagbibigay ng laptop at allowance sa mga guro ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa sakripisyo at dedikasyon ng mga guro at non-teaching personnel ng mga pampublikong paaralan.
Kabilang sa mga dumalo sa turn-over ceremony sina First Gentleman Cong. Ricky Sandoval, Malabon Schools Division Superintendent Juan Obierna, mga opisyal ng School Divisions Office at Malabon Public Elementary at Secondary Teachers’ Association Inc. (Richard Mesa)