• September 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bagong Ayos na Hanging Bridge sa Brgy. San Isidro, Tiaong, Pormal Nang Binasbasan at Binuksan

BAYAN NG TIAONG, QUEZON — Mas ligtas at mas maayos na ngayon ang araw-araw na biyahe at pagtawid ng mga residente matapos pormal na basbasan at buksan ang bagong ayos na Hanging Bridge sa Barangay San Isidro nitong Lunes, Agosto 24, 2026.

Pinangunahan ang pagpapala at pagbabasbas ng tulay ni Fr. Edwin Baruelo upang hingin ang kaligtasan ng mga motorista, mag-aaral, at mga mamamayang gagamit nito.

Pagkakaisa para sa Kaunlaran

Dinaluhan ang opisyal na pagbubukas ng mga nangungunang lider ng bayan at komunidad, sa pangunguna nina Mayor Vincent RJ Mea, Executive Assistant Diego Mea, at Brgy. Captain Gavino Marasigan. Kasama rin sa mahalagang kaganapan ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay.

Ang sama-samang presensya ng lokal na pamahalaan at barangay ay patunay ng kanilang patuloy na pagtutulungan at dedikasyon para sa mas ligtas, matatag, at maunlad na Tiaong.

Pangunahing Daanan ng Komunidad

Inaasahan na malaking tulong ang pinagandang Hanging Bridge sa Barangay San Isidro upang mapabilis at mapanatili ang ligtas na pag-uugnayan ng mga komunidad sa lugar, lalo na sa panahon ng pang-araw-araw na transaksiyon at paghahatid ng mga produkto at serbisyo. (Kim Bornella/ Photo Boy Morales Sr)