• August 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, hangad ang mas maraming pribadong ospital na mauugnay sa mas abot-kayang healthcare

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa higit na pagtutulungan sa pagitan ng government at private hospitals upang matiyak ang mas malawak na access sa abot-kayang healthcare.

Sinaksihan ni Pangulong Marcos ang pagtinta sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at St. Luke’s Medical Center–Global City naglalayong palakasin ang implementasyon ng PhilHealth benefits.

“Ito ay para hindi na matatakot ang mga nagkakasakit na pumunta sa private hospital dahil wala silang pambayad. Ito’y napakalaking bagay at simula lang siguro ito,” ang sinabi ng Pangulo sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang signing ceremony.

“Nag-umpisa tayo sa St. Luke’s at paparamihin pa natin ‘yan para lahat na talaga ng ating mga facilities, healthcare facilities, ay kasama na sa mga programa natin,” aniya pa rin

Sa ilalim ng MOA, sinabi ng Pangulo na kapit-bisig ang PhilHealth at St. Luke’s na palakasin ang implementasyon ng ‘no co-payment policy’ o mas kilala rin bilang ‘no balance billing policy’.

Ang polisiya ay nagbibigay katiyakan na ang kuwalipikadong miyembro ng PhilHealth ay makakapag-avail ng libreng basic ward accommodations sa St. Luke’s.

Sinabi naman ni PhilHealth Acting President at CEO Beverly Lorraine Ho na ang bagong kasunduan ay magbibigay pahintulot sa mga kuwalipikadong miyembro ng PhilHealth na nangangailangan ng specialized treatment na makapag- avail ng piling serbisyo sa St. Luke’s.

“Tinutulungan po tayo ng St. Luke’s para mas makapag-serve ng maraming patients na hindi po sila kailangan magdagdag bayad,” ayon kay Ho.

Winika pa ni Pangulong Marcos na nagpahatid ng mahalagang mensahe ang St. Luke’s sa pamamagitan ng pagsama sa kasunduan at pagtulong na mapalawig ang healthcare access para sa mga PhilHealth members.

“For our healthcare system, it means bringing together the strengths of the public and private sectors to better serve more Filipinos,” ayon sa Pangulo. ( DARIS JOSE)