Matibay na sistema ng pagsubaybay sa mga nahatulan kaugnay sa kontrobersiya sa flood control projects, panawagan ng mambabatas
- Published on August 26, 2026
- by Francis Paolo Torres
ISANG mambabatas ang nanawagan ng mas matibay na sistema ng pagsubaybay sa mga nahatulan at nasentensiyahan kaugnay sa kontrobersiya sa flood control projects.
Ayon kay Akbayan partylist Rep. Chel Diokno, walang ahensiya ng gobyerno ang nagsusubaybay sa mga kriminal na nahatulan at kung naisilbi nila ang kanilang sentensya.
“Hindi kaya ng DOJ ‘yan, hindi kaya ng Ombudsman, hindi kaya ng NBP [New Bilibid Prison] or ng…DILG [Dept. of Interior and Local Government]…. Shouldn’t there be a consolidated effort by our government [to do this?]…Sayang naman ‘yung milyon-milyon na ginagastos niyo pang-prosecute… kung hindi naman pala nakukulong [ang nasentensyahan], hindi ba?” tanong ni Diokno kay Justice Secretary Fredderick Vida sa isang pagdinig sa Kamara.
Ani Diokno, may mga pag-aaral sa mga kaso sa Sandiganbayan na sampu lamang sa 110 mga nahatulan ng graft and corruption ay aktuwal na nakakulong at sinisilbihan ang kanilang sentensya.
“I completely agree po,” sagot naman ni Vida sa isinagawang pagdinig. “A particular directive or legal framework should be brought out…From our end which I have initiated…is basically to monitor ‘yung mga sinampahan namin ng kaso. Alin ‘yung mga naka-archive doon dahil at large ‘yung mga akusado. That’s something we can look within the DOJ.”
Kasabay nito, hiniling ni Diokno sa DOJ na magbigay ng hiwalay na datos sa kanilang prosecutorial success rate (PSR) for graft and corruption cases. Aniya, dapat malaman ng publiko ang status ng mga kaso.
Samantala, nanawagan si Diokno kay Vida na siguruhing mababawi ang lahat ng pondo mula sa apat na state witnesses kaugnay sa mga kaso ng flood control projects.
Mula sa P841 million na naisoli sa gobyerno, P500 million nito ay galing kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo, P181 million kay dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, P140 million kay dating DPWH National Capital Region (NCR) Director Gerald Opulencia, at P20 million mula kay Sally Santos, isang private contractor.
“Pag may nakita ho tayo sa apat na ‘to, sa kanilang apat na indibidwal na walang disclosure o may itinago sa atin, pwede pa ho natin silang habulin doon,” tugon ni Vida. (VINA de GUZMAN)