• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

‘MayHuliKa’ portal simula Agosto 24 – MMDA

MAS pinadali ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagberipika ng mga motorista sa bagong search option sa MayHuliKa portal na magsisimula sa Agosto 24.

Ang idaragdag na search option ang magbibigay-daan sa mga motorista na i-check ang lahat ng violation record ng isang sasakyan sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa isang abiso nitong Biyernes, sinabi ng MMDA na maaaring mag-search ang mga motorista gamit ang alinman sa plate number at ticket number, o plate number at motor vehicle file number.

Ang unang opsyon ay para sa mga nakatanggap na ng notice of violation o traffic ticket, habang ang pangalawa ay nagbibigay-daan sa mga user na makita ang lahat ng NCAP violation record ng isang sasakyan.

Ang ebidensya ng mga paglabag sa NCAP ay maaari lamang makita sa web portal na mayhulika.mmda.gov.ph o sa pamamagitan ng eGov­PH app sa paghahanap ng MMDA.

Ang integrasyon, na inilunsad ng MMDA at ng Department of Information and Communications Technology, ay nagbibigay sa mga mo-torista ng sentralisadong plataporma para i-check at bayaran ang mga paglabag sa trapiko. ( DARIS JOSE)