• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mahigpit na parusa sa sinumang pabaya sa pangangalaga ng armas, panawagan ng mambabatas 

ISANG mambabatas ang nanawagan nang mas mahigpit na parusa sa sinumang pabaya sa pangangalaga ng armas.

Ginawa ni Bukidnon Rep. Audrey Kay T. Zubiri ang panawagan bunsod ng magkasunod na insidente ng pamamaril sa eskwelahan sa Tacloban at Zamboanga City kung saan apat na estudyante ang napatay at ikinasugat ng iba pa.

Nasangkot ang isang policewoman at Customs official sa insidente matapos matukoy na sila ang may responsibilidad sa pangangalaga ng armas na ginamit sa krimen.

“While I understand the importance of having a gun at home, I cannot understand how it can be so easily accessed by children, especially minors. Hindi ko ma-imagine mawala ‘yung anak ko na minahal at inalagaan ko ng ilang taon dahil sa kapabayaan ng isang gun-owner,” sinabi ni Zubiri. 

Ayon kay Zubiri, ang mga nasabing insidente ay nagpapakita ng kapabayaan sa parte ng gun owner.

“At this moment, I think the burden lies on the parents and not only what the children consume from media anymore. These firearms are becoming more accessible even to children,” ani Zubiri.

Tinukoy ni Zubiri ang Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na nagaatas sa mga firearm license holders na gumamit ng anumang locked container sa pagtatago ng armas, subalit walang kaparusahan kung naging pabaya ang gun owner at nakuha sa kanya ang baril na ginamit sa krimen.

“I call on my fellow legislators to act on this matter—not only to punish wrongdoing, but to prevent tragedies and protect our children before this becomes a trend,” sabi ni Zubiri.

(VINA de GUZMAN)