LTFRB IPINATAWAG ANG JEEPNEY OPERATOR NG PAMPASAHERONG JEEP NA NAHULING NAG-COUNTERFLOW SA MATAONG KALSADA SA QC
- Published on August 24, 2026
- by Francis Paolo Torres
IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang operator ng isang pampasaherong jeep na nahuling nag-counterflow sa isang mataong kalsada sa Quezon City.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., naglabas na ang LTFRB ng Show Cause Order (SCO) laban sa operator at nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Setyembre 3.
Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa ng pampasaherong jeepney dahil sa paglabag sa mga alituntunin at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.
Kabilang sa mga tinukoy na paglabag ang kabiguang magbigay ng ligtas at maayos na serbisyo sa mga commuter, alinsunod sa mga kondisyon sa pagkakaloob ng Certificate of Public Convenience (CPC), gayundin ang pagkuha ng isang reckless driver.
Batay sa monitoring ng LTFRB social media team, nakita ang viral video ng jeepney na nag-counterflow sa kahabaan ng Quirino Highway sa Quezon City.
Ayon kay Acting Chairman Pua, inilagay ng insidente sa panganib ang iba pang gumagamit ng kalsada, bagay na nais tugunan ng LTFRB.
“Nawa’y magsilbing malinaw na mensahe ang imbestigasyong ito sa mga PUV driver na hindi kukunsintihin ng LTFRB ang ganitong uri ng pag-uugali sa kalsada. Makakaasa ang publiko sa agarang aksyon ng LTFRB sa ganitong mga insidente,” ani Acting Chairman Pua.
Nagpasalamat din ang LTFRB sa mga netizen na patuloy na nag-uulat at naglalantad ng mga PUV driver na lumalabag sa mga patakaran, na malaking tulong sa pagpapatupad ng disiplina at paggalang sa kapwa motorista sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Hinimok din ng LTFRB ang publiko na patuloy na iulat ang mga ganitong insidente sa pamamagitan ng LTFRB Hotline 1342 at mga social media account ng ahensya. (PAUL JOHN REYES)