• August 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PILIPINAS AT ICELAND, NILAGDAAN ANG UNANG AIR SERVICES AGREEMENT PARA PALAKASIN ANG AIR CONNECTIVITY

MAS mapapadali na ang pagbiyahe ng mga pasahero at pagpapadala ng mga kargamento sa pagitan ng Pilipinas at Iceland matapos lagdaan ang Initial Air Services Agreement (ASA) kasunod ng matagumpay na Philippines–Iceland Air Negotiation Talks na dinaos noong August 18–19, 2026 sa Reykjavik, Iceland.

Ang nasabing kasunduan ay nilagdaan nina Assistant Secretary Edgar Badajos ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas at ni Sigríður Eysteinsdóttir, Director and Chief negotiator for Air Services Agreements, Ministry for Foreign Affairs ng Iceland. 

Ito’y alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na palawakin ang international partnerships ng Pilipinas para mas mapalakas ang transportation system sa bansa at mapakinabangan ng milyun-milyong Pilipino.

Binigyang diin ni Transportation Secretary Banoy Lopez na mahalaga ang nilagdaang kasunduan upang patatagin ang ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bansa.

“This Agreement will serve as the foundation for our future air transportation relationship and will provide our airlines with a framework to explore new opportunities for connectivity between our two countries and, ultimately, between our respective regions. Today, we are not simply concluding our first air negotiations. We are opening a new chapter in Philippine-Iceland relations in the field of civil aviation,” ayon kay Sec. Lopez. 

Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ang Pilipinas at Iceland ng tig-pitong (7) flights kada linggo o isang flight kada araw para sa passenger at cargo flights. Ang mga traffic rights na ito ay magbibigay ng mas malaking flexibility sa mga airline ng dalawang bansa na magtatag at mag-develop ng serbisyong panghimpapawid batay sa demand at commercial viability.

Sa pamamagitan ng kasunduang ito, inaasahang magkakaroon ng mas malawak na oportunidad para sa pagtatatag ng air services na mag-uugnay sa Pilipinas at Iceland, direkta man o sa pamamagitan ng connecting flights, na makatutulong sa pagpapalakas ng tourism, trade, investment, at people-to-people exchanges. 

Patuloy na makikipag-ugnayan ang DOTr sa Icelandic counterpart nito at iba pang aviation stakeholders para maisulong ang epektibong implementasyon ng kasunduan at pagpapalawig ng air services sa pagitan ng Pilipinas at Iceland.

“May this agreement serve as the beginning of a long and productive partnership, one that will create opportunities for our airlines, benefit our traveling public, and bring our peoples closer together,” ani Sec. Lopez. 

Ang kasunduan ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pilipinas na palawakin ang international air connectivity at magbukas ng mga bagong aviation markets, partikular sa Nordic region, para sa kapakinabangan ng mga pasahero, gayundin pagdating sa negosyo, turismo, at ekonomiya ng bansa. (PAUL JOHN REYES)