• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbubukas ng Likhang Sining Niyogyugan Festival 2026:

Simpleng Pagdiriwang sa Gitna ng Krisis, Binigyang-Diin ang Agrikultura at Pangkabuhayan

LUNGSOD NG LUCENA — Opisyal nang binuksan ang tatlong araw na pagdiriwang ng Likhang Sining Niyogyugan Festival 2026 sa pamamagitan ng tradisyonal na tagayan ritwal nitong Lunes, Agosto 17, 2026.

Pinangunahan ang naturang seremonya ni Gobernadora Doktora Helen Tan, kasama ang kanyang kabiyak na si dating Regional Director Engr. Ronel Tan, Bokal Kim Tan ng Ikalawang Distrito ng Quezon, Department of Tourism (DOT) Calabarzon Region IV-A Director Marites Castro, Vice Governor Anacleto “Third” Alcala III, Bokal JJ Aquivido ng Ikatlong Distrito, at Bokal Yna Liwanag ng Unang Distrito.

Dumalo rin sa pagbubukas ang mga lokal na punong-bayan na sina Mayor L.A. Ruanto ng Infanta at Pangalawang Pangulo ng Mayors League of Quezon; Mayor Atty. Elvis Uy ng Atimonan; Mayor Rey Rosilla ng Buenavista; Mayor Alfredo Pujeda ng General Nakar; at Mayor Julie Ann Macasaet ng Real.

Ibinida sa pagdiriwang ang iba’t ibang likhang-sining, kabilang ang mga detalyadong miniature booth, mga manika, produktong agrikultura, art exhibits, at mga pinta mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ginawang payak at simple ang selebrasyon ngayong taon bunsod ng mga kinakaharap na krisis sa langis, enerhiya, at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa kanyang mensahe, hinimok ni Gobernadora Helen Tan ang mga mamamayan na magkaisa sa panalangin upang malampasan ang kasalukuyang krisis. Aniya, inaasahan na maibabalik ang mas magarbong pagdiriwang ng Niyogyugan Festival sa 2027 sakaling bumuti na ang sitwasyon. Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa mga programa ng lalawigan.

Bilang bahagi ng pagtataguyod sa sektor ng agrikultura, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng mga alagang hayop sa iba’t ibang kooperatiba at grupo ng mga magsasaka. Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga baboy, manok na panitlugan, baka, at kalabaw upang magsilbing alternatibong kabuhayan at pandagdag-kita sa mga lokal na maghahayupan.

Ang tatlong araw na pagdiriwang ay nagsimula noong ika-17 ng Agosto at magtatapos sa darating na Miyerkules, ika-19 ng Agosto, 2026, na kasabay din ng pagdiriwang ng kaarawan ng kauna-unahang pangulo ng Commonwealth na si Manuel Luis Quezon.( Kim Bornella/ Boy Morales Sr.)