14 BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING, NASAGIP SA NAIA AT CLARK , 2 RECRUITER NASABAT
- Published on August 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
AABOT sa 14 na hinihinalang biktima ng human trafficking ang nasagip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at Clark International Airport (CIA) Terminal 2 noong Agosto 8 matapos umanong ma-recruit para magtrabaho sa Russia.
Ayon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA at CIA, nasagip ang 14 na biktima at dalawang hinihinalang recruiter matapos silang tangkaing bumiyahe palabas ng bansa sa magkahiwalay na insidente sa dalawang paliparan.
Anim na lalaki, na nasa edad 40 hanggang 50, ang nasagip sa CIA matapos tangkaing bumiyahe patungong Hong Kong sakay ng Cebu Pacific.
Una nilang sinabi na magbabakasyon sila kasama ang mga dati nilang kasamahan sa militar, ngunit nagkakasalungat ang kanilang mga pahayag tungkol sa detalye ng biyahe. Kalaunan, inamin nilang patungong Russia sila, kung saan sila na-recruit upang magtrabaho at inalok ng buwanang sahod na USD 3,000.
Samantala, walong iba pang biktima ang nasagip sa NAIA matapos tangkaing bumiyahe patungong Singapore sakay din ng Cebu Pacific.
Binubuo ang grupo ng anim na lalaki at dalawang babae na nasa edad 30 hanggang 50. Una rin nilang sinabi na business trip ang kanilang pakay, ngunit kalaunan ay napag-alamang patungong Russia sila upang magtrabaho kapalit ng mataas na sahod at alok na Russian citizenship.
Inamin ng walong biktima na kasama rin nila sa parehong flight ang kanilang mga facilitator—isang lalaki at isang babae—na iginiit na business trip lamang ang kanilang biyahe.
Ipinasa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang lahat ng 14 na biktima at dalawang hinihinalang facilitator para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter.
Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na huwag mabiktima ng ganitong mga recruitment scheme.
Ayon kay Viado, nangangako ang mga recruiter ng mataas na sahod at maging citizenship, ngunit kadalasan ay napapahamak ang mga biktima sa kanilang mga pinapasukang sitwasyon.
Hinimok niya ang mga Pilipino na protektahan ang kanilang sarili laban sa mga recruiter na aniya’y ginagamit lamang ang mga kababayan para sa sariling pakinabang at hindi magdadalawang-isip na ilagay sa panganib ang kanilang buhay at kaligtasan kapag nasa ibang bansa na. (Gene Adsuara)