• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, kulong sa pananakot sa bebot gamit ang toy gun sa Malabon

BINITBIT sa selda ang 36-anyos na tambay nang maaktuhan ng pulisya habang tinatakot ng hawak na baril ang kausap na bebot sa Malabon City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nagpapatrolya ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission sa Barangay Catmon dakong alas-12:10 ng tanghali nang lapitan sila ng isang lalaki at ipinabatid ang ginagawang pananakot ng armadong suspek sa bebot na kanyang kinompronta.

Kaagad namang nadis-armahan ng mga pulis ang suspek at nang suriin ang hawak na baril, nadiskubreng isa lamang itong replica ng kalibre .38 revolver.

Hindi naman tinukoy sa ulat ng pulisya kung ano ang motibo sa pananakot ng suspek sa biktima na naghain na ng reklamong Grave Threat laban sa kanya.

Bukod dito, sinampahan din siya ng pulisya ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)