• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Na ikinasawi ng 2 estudyante …PBBM, ipinag-utos ang masusing imbestigasyon  sa Ateneo de Zamboanga shooting incident

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga law enforcement agencies na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa pagkasawi ng dalawang estudyante matapos mangyari ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, Martes ng umaga, Agosto 18.
Sa kalatas na ipinalabas ng Office of the President (OP), nais ng Pangulo na madetermina kung ano ang dapat gawin para mapigilan ang iba pang pamilya, iba pang eskuwelahan at iba pang komunidad na dumanas ng kaparehong pagdadalamhati.
“We grieve with the families and the entire 𝗔𝘁𝗲𝗻𝗲𝗼 𝗱𝗲 𝗭𝗮𝗺𝗯𝗼𝗮𝗻𝗴𝗮 community over a tragedy that should never have happened,” ayon sa Pangulo.
“Our schools are where we entrust our children to learn, to grow and to dream about the lives ahead of them. They must also be among the safest places in our country,” aniya pa rin.
“We will work with our schools and communities to strengthen the safeguards that protect our students and ensure that they can pursue their education without fear,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa ulat, kinumpirma ng regional police na nagkaroon ng pamamaril sa isang high school campus sa lungsod at agad na rumesponde ang mga awtoridad upang tiyakin ang seguridad sa lugar.
Kinumpirma ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso na nangyari ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga, ngayong araw ng Martes, Agosto 18.
Base di umano sa paunang impormasyon, nakapasok sa paaralan ang suspek na may dalang high-powered firearm at .45 caliber pistol.
Sinabi ni Olaso na makikita umano sa video na una nitong tinangkang paputukan ang isang guro bago lumipat sa ibang silid at barilin ang isang estudyante.
Namatay ang nasabing estudyante habang nasawi rin kalaunan ang umano’y gunman. Sinabi rin ng alkalde na dalawa pang indibidwal ang posibleng nasugatan.
Ayon pa kay Olaso, may suot umanong body camera ang suspek at nagla-livestream habang nagaganap ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa pamamaril at kung paano naipasok sa campus ang mga armas.
Nagpatupad din si Olaso ng suspensyon ng klase nitong Martes ng umaga.
Ang insidente ay kasunod ng isa pang malagim na school shooting sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong estudyante ang napatay at hindi bababa sa 20 ang nasugatan. (DARIS JOSE)