• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, mahigpit ang monitoring, paghahanda dahil sa pag-ulan na dala ng Habagat

NANATILING naka-monitor si Mayor Jeannie Sandoval at ang pamahalaang lungsod sa lagay ng panahon, waterways, at mga lugar na madaling bahain dahil sa patuloy na katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon na dala ng Habagat.

“Patuloy ang ating mahigpit na monitoring at paghahanda kasama ang MDRRMO at iba pang katuwang na ahensya upang agad na makatugon sa anumang epekto ng Habagat. Tayo ay handa at makasisiguro ang ating mga kababayang Malabueño na tayo ay tutugon sa pangangailangan nila ngayong may malakas na ulan. Hinihiling namin sa ating mga kababayan na makipagtulungan, manatiling mapagmatyag,” ani Mayor Sandoval.

Aniya, sa pamamagitan ng iba’t ibang departamento ng lungsod, pinananatili ng lokal na pamahalaan ang mas mataas na paghahanda at mga hakbang sa pagtugon sa pangunguna ng Malabon Disasters Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na patuloy nakamonitor sa kondisyon ng panahon sa pamamagitan ng PAGASA advisories at iba pang opisyal na channel ng komunikasyon.

Mahigpit din binabantayan ang mga kalapit na ilog, tributaries, flood marker, at tide conditions habang naka-deploy naman na ang mga rescue truck at mga response team upang subaybayan ang mga lugar ng responsibilidad. May mga nakahanda na rin relief goods, food packs, mga gamut at emergency supplies para sa posibleng paglikas ng mga residente sakaling magkaroon ng pagbaha .

Nag-deploy din ang Public Safety and Traffic Management Office ng mga truck para sa Libreng sakay simula pa noong Lunes para maghatid ng mga pasahero mula sa mga lugar kung saan naiulat ang pagbaha.

Tinitiyak din ng pamahalaang lungsod ang wasto at napapanahong pagpapakalat ng mga abiso at impormasyong pangkaligtasan upang mapanatiling alam ng mga residente ang mga kondisyon ng panahon at posibleng mga panganib.

“Patuloy nating hinihikayat ang lahat ng Malabueño, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at flood-prone areas, na manatiling alerto, subaybayan ang mga opisyal na abiso, at iwasan ang hindi kinakailangang pagbiyahe habang patuloy ang malalakas na pag-ulan. Higit sa lahat, maging handa tayong lumikas agad kung kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga pamilya.” paalala ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)