Nagpapakita ito ng kawalang-galang niya sa institusyong konstitusyonal…VP Sara 15 beses nang iniisnab trial
- Published on August 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
TINAWAG ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na “kawalang-galang” sa proseso ng Konstitusyon ang patuloy na hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial sa Senado na nasa 15 araw na.
Sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Abante na ang hindi pagharap ni Duterte ay kapareho ng kanyang naging saloobin sa Kamara bago siya ma-impeach, nang tumanggi itong personal na humarap sa mga imbestigasyon kaugnay ng confidential funds.
“Ang kanyang pagliban ay nagpapakita ng kawalang-galang niya sa institusyong konstitusyonal na dapat magsagawa ng proseso sa impeachment complaint laban sa kanya,” ani Abante, chairman ng House Committee on Human Rights.
Isa si Abante sa mga nag-endorso ng impeachment complaint na naging batayan ng Articles of Impeachment na ipinadala ng Kamara sa Senado. Bahagi ng reklamo ang mga imbestigasyon sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, na parehong pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024.
Hindi rin dumalo si Duterte sa mga pagdinig ng House committees, at mula nang magsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6, tanging kanyang mga abogado ang regular na humaharap sa Senado.
“Mahirap na hindi humaharap ang Vice President sa Kongreso. Hindi tama ang ginawa ng Vice President na ininsulto niya ang Kongreso tungkol dito. Ginawa niyang walang saysay ang Kongreso,” ani Abante.
( VINA de GUZMAN)