Kinondena ang insidente at tiniyak na matutuloy ang halalan…PBBM iniutos na imbestigahan Ang ambush sa BARMM Chief Minister
- Published on August 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIUTOS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Linggo ang masusing imbestigasyon sa pananambang kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua at sa kanyang convoy.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang lahat ng kaukulang ahensiya na paigtingin ang seguridad sa Bangsamoro communities at tukuyin ang mga nasa likod ng pag-atake. Nanawagan din siya sa publiko na manatiling mahinahon at igalang ang karapatan ng bawat Filipino.
Kinondena ng Pangulo ang insidente at tiniyak na matutuloy ang halalan sa BARMM.
Samantala, inatasan ni Comelec Chair George Erwin Garcia ang PNP at AFP na imbestigahan ang pananambang at panagutin ang mga salarin.
Naganap ang insidente nitong Sabado ng hapon sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, matapos dumalo si Macacua sa isang public engagement. Pinaputukan ng mga armadong lalaki ang tatlong sasakyan ng convoy ngunit ligtas si Macacua at ang kanyang mga kasama.
Bago ang ambush, nanumpa si Macacua bilang pangulo at chairman ng Bangsamoro Federalist Party (BFP), isa sa mga bagong regional political parties na lalahok sa kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM sa Setyembre 14. (DARIS JOSE)