Libreng Manok at Gulay, Personal na Ibinahagi nina Gov. Sol, Mayor Benjo Agarao, at Mayor Queen Alarva sa Pila at Santa Cruz, Laguna
- Published on August 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
LAGUNA — Mistulang dinagsa ng “dagat ng tao” ang magkasunod na isinagawang pamamahagi ng libreng manok at sariwang gulay na personal na pinangunahan ni Laguna Governor Sol Aragones, kasama sina Santa Cruz Mayor Benjo Agarao at Pila Mayor Queen Alarva, ngayong Biyernes, ika-14 ng Agosto 2026.
Naging punong-abala ang mga bayan ng Pila at Santa Cruz sa pagtanggap sa libu-libong mamamayan mula sa ikaapat na distrito ng lalawigan. Mula pa madaling-araw ay masayang nag-abang ang mga residente upang makatanggap ng sariwang supply ng pagkain na malaking bawas sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa kusina.
Bukod sa paghahatid ng agarang tulong at relief sa mga pamilya, tampok sa programang ito ang “double-barrel impact” sa lokal na ekonomiya. Sa halip na sa malalaking supplier bumili, mismong ang mga ani at produkto ng mga lokal na magsasaka at magmamanok sa lalawigan ng Laguna ang binili ng pamahalaan. Sa pamamagitan nito, direktang natulungan ang kabuhayan ng mga lokal na prodyuser habang nabibigyan naman ng masustansyang pagkain ang taumbayan.
Ipinakita sa naturang aktibidad ang matibay na pagkakaisa ng Pamahalaang Panlalawigan at ng mga Lokal na Pamahalaan (LGU) upang maiparating ang mabilis, tapat, at direktang serbisyo sa bawat pamilyang Lagunaense. Tiniyak ng mga pinuno na magpapatuloy ang mga inisyatibong tulad nito na nakatuon sa seguridad sa pagkain at pag-alalay sa sektor ng agrikultura.
Samantala, inihayag ng pamahalaang panlalawigan na hindi nagtatapos sa Pila at Santa Cruz ang naturang programa. Kaya naman, abangan sa inyong lugar ang susunod na mga pag-ikot at pamamahagi ng libreng manok at gulay!
(Jeremiah Solomon/ Photos by Boy Morales Sr.)