Tax deadline hanggang August 18 – BIR
- Published on August 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINALAWIG ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline ng paghahain at pagbabayad ng buwis matapos maapektuhan ng Habagat at mga teknikal na aberya sa eBIRForms Offline Package.
Batay sa Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 95-2026, ang mga filing, payment, remittance, registration, at submission na orihinal na nakatakda mula Agosto 10 hanggang 16 ay maaari nang ihain hanggang Agosto 18, 2026 nang walang penalty.
Saklaw ng extension ang mga taxpayers na naapektuhan nang malakas na ulan at baha, gayundin ang mga nakaranas ng technical unavailability ng eBIRForms.
Kasama sa extension ang mga filing ng withholding tax returns, income tax returns, ONETT transactions, at iba pang obligasyong nakasaad sa circular.
Naglabas din ang BIR ng Bank Bulletin na nag-aatas sa mga Authorized Agent Banks (AABs) na tumanggap ng bayad hanggang Agosto 18 nang walang penalty.
Nilinaw ng BIR na ang mga taxpayers na kinakailangang gumamit ng Electronic Filing and Payment System (eFPS) at hindi saklaw ng RMC No. 89-2026 ay hindi kasama sa extension.