Buwanang pension ng mga senior citizens, itaas sa P2k
- Published on August 14, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINATATAASAN ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ang buwanang social pension ng mga indigent seniors sa P2,000 mula P1,000.
Sa pangunguna ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio L. Tinio, inihain ng mga mambabatas ang House Bill No. 10770 na magbigay ng higit na suportang pangkabuhayan sa mga nakatatandang hirap punan ang kanilang mga batayang pangangailangan sa gitna ng humaharurot na presyo ng pagkain, gamot, kuryente’t tubig at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
Pinapanukala ring saklawin sa makatatanggap nito ang mga pensyonado ng SSS at GSIS na PhP10,000 o mas mababa pa ang nakukuha kada buwan.
“Kongkretong hakbang ito sa pagkilalang di lang pasasalamat nating lahat ang karapat dapat na matanggap ng ating mga seniors, kundi pati sapat at sustenidong proteksyong panlipunan” ani Tinio.
Resulta ang panukala ng nagpapatuloy na adbokasya ng Seniors Kontra Kurakot (SKK), isang samahan ng mga nakatatanda na nagkakampanya ng pananagutan sa mga nasa gubyerno at karampatang dagdag na alokasyon sa badyet para sa mga serbisyo sosyal, kasama na ang mga programang susuporta sa mga matatanda.
Kinalugod ng SKK ang panukalang ito na importanteng tugon sa lumalawak na panawagan ng mga seniors para sa isang sistema ng proteksyong panlipunan na sapat at saklaw ang lahat.
Diniin ng grupo na napakaimportanteng dagdagan ang mga rekurso para sa serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng mas maigting pang pananagutan sa paggastos ng gubyerno at ng pagtiyak na pinaprayoridad ang mga susing serbisyo, kaysa mapunta ang pera ng bayan sa korapsyon, aksaya, at mga pinagtutustusang di naman kelangan.
“Deka-dekada ng trabaho at serbisyo sa pamilya, komunidad at lipunan ang ambag ng mga seniors. Dasurb nila ang isang sistemang pensyon at proteksyong sosyal na makakapamuhay sila nang may dignidad, hindi yung madadamputan sila sa sobrang hikahos,” ayon sa SKK.
Nanawagan ang SKK na suportahan ng Kongreso at pambansang gubyerno ang panukalang pagtaas at paglapad ng programang social pension, at tiyaking may sapat na pondong ilalaan sa pagtupad nito.
(VINA de GUZMAN)