• August 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa selebrasyon ng 15th year sa music industry…ANGELINE, nag-launch ng scholarship grant para sa anim na mapipili (ni: REY PINEDA) 

DAHIL natupad na ang pansariling pangarap na makapagtapos ng kanyang pag-aaral, nag-launch si Angeline Quinto ng scholarship grant para sa anim na taong kanilang mapipili.

Sa pagse-celebrate ni Angge ng kanyang 15th year sa music industry, inilunsad nito kamakailan lang ang “Sais Ang Pangarap”.     

Sa pakikipagtulungan ng Immaculada Concepcion College, maisasakatuparan na ng mga nais makapagtapos sa kolehiyo ang kanilang pag-aaral.     

Kung inyong matatandaan, kamakailang lamang nakapagtapos ng pag-aaral si Angge sa nabanggit na institusyon.  Sa edad na 36, natapos nito ang kursong Business Administration major in Marketing Management.

Ito kasi ang naipangako ni Angge sa kanyang yumaong adoptive mother na si Mommy Bob, yung magkaroon siya ng college diploma.     

At ngayon nga na hawak na niya ang kanyang diploma, nais niya itong ibahagi sa ibang tao.  Mamimili sila ng anim na kandidato para tuparin naman ang kanilang mga pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Mag-submit lamang ng application form at  isang one-minute video at sabihin kung bakit ikaw ay karapat-dapat na matupad ang pangarap.     

Anim na kandidato para sa anim na full 4-year college scholarship grant.  Anim na indibiduwal, kanya-kanyang pangarap ay matutupad.