• August 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Matapang at futuristic reimagining sa Pambansang Bayani…JOHNREY at VANCE, nagtagisan ng husay sa musical play na ‘Rizal 3000′ (ni: ROHN ROMULO) 

ANG “Rizal 3000” ay isang matapang, futuristic reimagining sa ating Pambansang Bayani na si Dr. José Rizal.

Ang newest musical play na ito ay handog Philstagers Foundation na mula sa direksyon ni Vincent Tañada at musika ni Pipo Cipra.

Sa naturang musical play, dalawang mundo ang mabubunyag na pinaghihiwalay ng higit sa isang milenyo.  

Sa pamamagitan ng isang kakaibang pagsasalaysay, masisilayan ang Pilipinas noong 1890s at isang alternative universe sa taong 3000, ang musikal ay nagtatanghal ng dalawang Rizal.

Ang isa na nakipaglaban para sa kalayaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga ideya, at isa pa na ang pamana ay kailangang matuklasan muli sa hinaharap kung saan ang kasaysayan ay nabura.  

Sa pamamagitan ng pagkukumpara ng nakaraan at hinaharap, ang produksyon ay nagpapaalala sa atin na ang isang bansang walang alaala ay isang bansang walang direksyon, at dapat piliin ng bawat henerasyon kung iingatan ang katotohanan o isusuko ito.

Sa naganap na media con pinasilip ng produksyon ang ilang bahagi ng “Rizal 3000” na kung saan live na nag-perform ang almost 50 cast na pinangungunahan nina Johnrey Rivas as Jose Rizal, Vance Larena as Iosephus Raval, Joseph Tañada as Forti Zaragoza, at Peter Parker Tañada as Franchesco Raval, na pawang remarkable ang performance at talagang pinalakpakan.

Ito rin pala ang pagbabalik-entablado ni Vance na muling nagpakitang gilas sa husay sa pag-arte at pag-awit.

Marami rin ang pumuri kay Peter na talaga namang nakipagsabayan at hindi nagpakabog kina Johnrey at Vance.  

Of course, napakahusay ni Johnrey bilang Jose Rizal, at humanga rin kami kay Joseph na mahusay na nagampanan ang pagiging antagonist.

Aliw na aliw naman kami sa production number ng 7 Muses ni Rizal na kung saan isa-isang pinakilala ang mga minahal na babae ng Pambansang Bayani na sina Segunda, Consuelo, Gertrude, Nellie, O-Sei-San, Josephine at Leonor na kung binabanggit nila ang ‘Jose Rizal you are my guy.”

At base sa pinakitang pasilip na mga eksena sa musical play, mai-enjoy ito nang manonood, lalo na mga kabataan and for sure, marami silang matututunang aral at kaalaman.

Kaya panoorin ang “Rizal 3000”. Suportahan ang sining at kasaysayan.  Suportahan ang edukasyon ng ating mga kabataan.

Mapapanood ito sa Agosto 8, 2026, 6 p.m.  sa  St. Cecilia’s Hall, St. Scholastica’s College, Manila.

Abangan ang announcement kung kailan at susunod na pagtatanghal ng ”Rizal 3000.’