Titiyaking ang bawat kusing ng proposed 2027 national budget ay mapupunta sa benepisyo ng sambayanang Pilipino
- Published on August 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANGUNAHAN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga mambabatas na titiyakin nila na ang bawat kusing ng proposed 2027 national budget ay mapupunta sa benepisyo ng sambayanang Pilipino.
“Ang budget ay pera ng taumbayan. May karapatan silang malaman kung saan ito mapupunta. Sisikapin po natin na maging mas bukas pa ang pagbubuo ng ating national budget,” pahayag ni Dy matapos na pormal nitong tanggapin ang 2027 National Expenditure Program (NEP) nitong Martes.
Aniya, masusi nilang susuriin ang bawat bahagi ng panukala. Tatanungin ang mga kaukulang ahensiya hindi lamang kung magkano ang kanilang hinihingi, kundi kung paano ito gagamitin at kung anong konkretong bunga ang maibibigay nito.
“Hindi sapat na sabihin kung magkano ang ginagastos. Dapat maipakita kung ano ang nagagawa ng bawat piso. Ang bawat piso ay dapat may katumbas na ginhawa para sa bawat Pilipino,” dagdag ni Dy.
Ayon kay Dy, tatlong katanungan lamang ang gagabay sa mga kongresista sa pagtalakay ng national budget para sa taong 2027.
“Saan mapupunta ang pondo? Ano ang konkretong mababago nito? At paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino? Iyan ang ating pananagutan: tiyaking ang pondo ay may malinaw na layunin, ang mga programa ay may tunay na pakinabang, at ang bawat desisyon ay may positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino,” sinabi ni Dy.
(VINA de GUZMAN)