3 kawatan na nanloob sa warehouse sa Malabon, tiklo
- Published on August 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
SHOOT sa hoyo ang tatlong kawatan na sinamantala ang malakas na ulan para pasukin at looban ang isang bodega nang makorner ng rumespondeng mga pulis sa sa Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang mga suspek na sina alyas “Jr Topeng”, 24, alyas “Boni”, 26, at alyas “Johan” 24, pawang residente ng Brgy. Tonsuya.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg Ernie Baroy at P/MSg Diego Ngippol na nakapasok sa loob ng bodega na nasa P. Aquino Avenue, Barangay Longos ang mga kawatan nang wasakin ang bahagi ng pader na tinakpan lang ng yero bago lumabas, tangay ang dalawang sako ng hanger na nagkakahalaga ng P16,000.00, at isang sako ng ukay-ukay na mga damit na nagkakahalaga ng P3,000.00.
Nagkataon namang gising pa ang testigong si alyas “Ric”, 41, na nakatira sa tabi lang ng bodega na agad tumawag sa Malabon Police Sub-Station-5 nang masaksihan ang panloloob.
Papatakas na ang mga suspek nang maabutan ng mga pulis at nabawi sa kanila ang mga kinulimbat na gagamiting ebidensiya sa pagsasampa ng kasong robbery laban sa mga ito sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)