YORME ISKO, INATASAN ANG LAHAT NG AHENSIYA NG MAYNILA NA KUMILOS DAHIL SA HABAGAT
- Published on August 11, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGPATAWAG si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng emergency meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) habang patuloy na nakararanas ang Maynila ng malalakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na Habagat.
Sa pulong pinakikilos ng alkalde ang mga ahensiya ng lungsod upang tiyakin ang sapat na pagkain sa mga evacuation center, paglilinis ng mga kalsada, maayos na pamamahala ng trapiko, kahandaan ng pulisya at paghahanda ng mga ospital.
Alam ko walang pasok ngayon, pero wala namang aasahan ang tao kundi tayong gobyerno, ayon kay Domagoso.
Inatasan din niya ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) upang tiyakin na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng pagkain sa apat na aktibong evacuation center ng lungsod.
Inutusan din niya ang Department of Engineering and Public Works (DEPW ) at Department of Environment and Public Services (DEPS) na agad alisin ang mga natumbang puno, basura, at iba pang debris sa mga lansangan upang maiwasan ang aksidente.
Bukod sa baha, maaaring magdulot ng aksidente ang mga debris. Kahit holiday o walang pasok, kailangan nating magtrabaho sa mga lansangan ng Maynila,” aniya.
Inatasan din ni Domagoso ang DEPW na makipag-ugnayan sa Meralco upang agad na maalis ang mga nasirang poste at kable ng kuryente. Ayon sa Meralco, wala namang malawakang pagkawala ng kuryente sa Maynila, maliban sa ilang hiwa-hiwalay na insidente.
Pati ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ay inatasan niyang magtalaga ng mga traffic enforcer sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang tumulong sa mga motorista at pedestrian sa kabila ng masamang panahon.
Samantala, inilagay ni Domagoso sa high alert ang Manila Police District (MPD) upang mapigilan ang anumang krimen na maaaring samantalahin ang sitwasyon.
Inatasan din niya Manila Health Department (MHD) na tiyakin ang sapat na suplay ng gamot at iba pang kagamitang medikal, habang pinayuhan ang mga ospital na magtulungan sa paglilipat ng mga kinakailangang kagamitan kung kinakailangan.
Inatasan din ng alkalde ang lahat ng pinuno ng mga departamento na magsumite ng kanilang ulat bago mag-6:00 ng gabi upang mapaghandaan ang magiging tugon ng lungsod sa susunod na araw.
(Gene Adsuara)