• August 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Luzon pinadapa ng habagat

PINADAPA ng Habagat ang ilang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila kung saan tatlo katao ang iniulat na nasawi sa lalawigan ng Batangas.

Sa report ni Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Fe Fernandez ­nitong Linggo, Agosto 9, kabilang sa mga nasawi ay isang lalaking nakur­yente sa paglalakad sa tubig baha sa Lipa City.

Isa ang nalunod sa Brgy. San Jose Sico, Batangas City at isa naman ang nalibing ng buhay sa landslide sa Brgy. Kalumala, Sta. Teresita ng lalawigan.

Ayon sa opisyal, ang Lipa City ay dumanas ng grabeng pagbaha simula pa nitong Sabado ng gabi. Nasa 15 barangay ang pinaka matinding naapektuhan habang nasa 229 pamilya ang inilikas. Dahil sa matin­ding pagbaha ay nasira ang konkretong pader sa Fernando Air Base ng Philippine Air Force (PAF) sa Lipa City.

Ayon pa sa opisyal, hindi na makayanan ng drainage system sa lungsod ang mataas na tubig baha na rumagasa sa mga kabahayan.

Samantala sa report ng Office of Civil Defense (OCD), 182 lugar sa hilagang Luzon, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ang lumubog sa baha.

Ayon kay OCD Deputy Administrator at Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejando IV, nasa 110,000 pamilya o katumbas na 382,000 indibidwal ang apektado ng kalamidad sa Region I, II, III. V, IX, Cordillera Admi­nistrative Region (CAR) at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Sa nasabing bilang ay nasa 2,200 pamilya o 7,300 ang kinakanlong sa nasa 86 evacuation centers sa mga apektadong lugar.

Ang pitong nasugatan ay mula sa CAR partikular na sa Benguet habang wala namang iniulat na nawawala. Nasa 569 namang mga Local Go­vernment Units (LGUs) ang nag-anunsyo ng suspensiyon ng klase dulot ng masamang lagay ng panahon.

Sa report ng PAGASA, ang habagat ay patuloy na magpapaulan sa Metro Manila, malaking bahagi ng Luzon at Visayas Region. Inaasahandin ang mga pag-ulan sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Be­nguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

 ( DARIS JOSE)