• August 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Lalaking nagnakaw ng dalawang baril sa Malabon, timbog

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang lalaki na nagnakaw ng dalawang lisensiyadong baril nang matiyempuhan ng mga pulis habang bitbit ang lalagyan ng armas sa Malabon City.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, sinampahan na nila ng kasong pagnanakaw at paglabag sa R.A10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office ang suspek na si alyas “Tonyo”, 30.

Sa ulat, naglalakad sa kahabaan ng Matahong St. Brgy. San Agustin ang suspek alas-11:20 ng gabi nang sitahin siya ng mga tauhan ni Col. Mission matapos makita ang bitbit niyang berdeng lalagyan ng baril, na tumutugma sa iniulat ng biktima na pinaglalagyan ng kanyang mga nawawalang baril.

Wala rin maipakitang patunay ang suspek na sa kanya ang lalagyan ng baril at nang buksan ay tumambad ang laman nitong dalawang kalibre .22 rifles, mga magazine at mga bala na positibong kinilala ng biktima na kanyang pag-aari.

Iniutos na ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa Malabon Police Sub-Station 6 na isailalim sa ballistic examination ang nabawing mga baril at beripikahin ang mga iprinisintang dokumento ng biktima. (Richard Mesa)