• August 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pag-apaw ng La Mesa Dam asahan – PAGASA

BUNSOD ng walang tigil na mga pag-ulan, inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical (PAGASA) na asahan ang posibleng pag-apaw ng La Mesa Dam dala ng Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.

Ayon kay PAGASA hydrologist Richard Orendain, nasa 79.70 metro na ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City alas-5 ng madaling araw kahapon malapit na sa spilling level nitong 80.15 metro. Posibleng umabot sa spilling level ang La Mesa Dam ngayong madaling araw kung magpapatuloy ang malakas na pag-ulan sa watershed nito. Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ito ng pagbaha sa mga lugar na malapit sa Tullahan River.

Nabatid kay Orendain na bahagyang bumaba na ang lebel ng tubig sa Tullahan River matapos itong halos umabot sa kritikal na antas. Gayunman, may posibilidad itong umapaw kung magpapatuloy ang pag-ulan at aabot sa spilling level ang La Mesa Dam. Nasa ligtas pang antas na 161.12 metro ang Angat Dam bagama’t tumaas ito ng 2.23 metro, malayo pa rin ito sa spilling level na 210 metro. Tinatayang aabot lamang sa 170 hanggang 175 metro ang lebel ng tubig nito pagsapit ng katapusan ng Agosto.