P171K droga, nasabat sa HVI drug suspect sa Caloocan
- Published on August 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
SA kulungan ang bagsak ng isang umano’y tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) matapos maaresto sa buy bust operation at makuhanan ng mahigit P171K halaga ng shabu sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong suspek bilang si alyas “Boss M”, 21, na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa suspek kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nito ng illegal na droga.
Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Boss M, at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang plastic sachet ng marijuana kush ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:25 ng umaga sa Brgy., 180.
Nakumpiska sa kanya ang hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at marijuana kush na nagkakahalaga ng P96,389 at nasa 11 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P74,800 na aabot lahat sa kabuuang halaga na P171, 189.06, at buy bust money. (Richard Mesa)