PINAGHIHINALAANG BAHAGI NG ROCKET NA NATAGPUAN SA BAYBAYIN NG CAGAYAN, INAALAM PA
- Published on August 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
INAALAM pa ng Philippine Coast Guard (PCG) kung ang natagpuan sa baybayin ng Barangay Babuyan Claro Calayan Cagayan nitong August 6, 2026 ay isang bahagi ng rocket.
Ayon sa Philippine Coast Guard bandang 12:30 tanghali nang nakatanggap sila ng ulat mula sa isang residente na may natagpuang bagay sa baybayin ng Sitio Naydi ay pinaniniwalaang bahagi ng isang rocket. Pansamantalang iningatan ito ng residente bago ito narekober ng mga tauhan ng Philippine Navy CAFGU.
Sinabi naman ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na sa isinagawang inspeksyon ng Coast Guard ay walang nakitang anumang marka o palatandaan na nagpapatunay na ang naturang bagay ay bahagi nga ng rocket.
Inilipat ang nasabing bagay sa isang ligtas na lugar habang hinihintay ang pagsusuri ng mga awtoridad.,
Nagpaalala rin siya sa mga mangingisda at mga residente sa baybayin na huwag hawakan o pulutin ang anumang hindi kilalang bagay na napapadpad sa dagat at agad itong iulat sa pinakamalapit na lokal na awtoridad.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang PCG sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matukoy ang pinagmulan at katangian ng naturang bagay, bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaligtasan sa karagatan. (Gene Adsuara)